Butch saludo kay Yulo

Bumilib si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez sa pinakikitang tikas ng mga Filipino athlete matapos magbigay ng karangalan sa bansa sina Carlos Edriel Yulo sa 49th FIG Artistic Gymnastics World Championships 2019, Nesthy Petecio at Eumir Felix sa AIBA 11th Women’s & 20th Men’s Boxing World Championships 2019 at EJ Obiena nang mag-qualify sa 32nd Summer Olympic Games 2020 sa Tokyo, Japan.

‘Di naitago ng mga PSC official ang kanilang saya sa naganap na press conference sa Rizal Memorial Sports Complex Lunes nang hapon lalo sa sa ginawang world record ni Yulo.

Sinabi ni Ramirez na suportado nila si Yulo sapul pa noong pitong taong gulang pa lang.

“I met him (Yulo) several times, he visited us, napaka-humble na bata. I think the whole of Leveriza must be prepared on Wednesday arrival. Kasi sino ba maniniwala? A Filipino is a gymnast. Artistic gymnastics panalo ang isang Pinoy. Kaya malaking balita sa mundo – kasi kung boxing, basketball, normal pero ito gymnastics, laro ng Ruso, Amerikano. Then here comes Yulo, a very humble boy. Panalo na siya pero parang ayaw pa niya i-feel,” masayang litanya ni Ramirez.

Umukit ng kasaysayan si Yulo nang sikwatin ang gold medal sa men’s floor exercise ng World Championships nitong Sabado sa Germany, tinalo nito ang pitong nakalaban sa finals.

Si Yulo ang unang Pilipino world champion sa sport.

Buong-buo ang suporta ng PSC kay Yulo sa kanyang mga training sa halos isang dekada, kasama ang allowance, coach, psychologist, nutritionist, at conditioning service.

Nagpasalamat naman si Angelica Yulo, ina ng 19-anyos na gymnast sa ibinibigay na tulong ng PSC.

“Nagpapasalamat po ako sa Philippine Sports Commission sa pagsuporta nila kay Caloy. ‘Di masasabing walang support ang government kasi meron po talaga. Actually, lahat ng laban niya sagot ng PSC din po. Sobrang grateful din po ako sa PSC kasi nakasuporta po sila kay Caloy. Kung ‘di din po sa kanila, ‘di din po ito magiging possible eh,” ani Mrs. Yulo. (Elech Dawa)