Hindi talaga tinatantanan ng kapulisan­ sa pangu­nguna ng Quezon­ City Police District (QCPD) na nasa ilalim ng pamumuno ni  Sr. Supt. Guillermo Lorenzo ­Eleazar, QCPD chief,  ang mga tinaguriang lungga ng sindikato sa iligal na droga sa lungsod, partikular ang notor­yus na Barangay Culiat.

Aba’y bibihira ang nakakapasok sa Barangay Culiat dahil kilala itong delikadong lugar kung saan ay sinasabing maraming nagbibigay proteksyon bukod pa sa magkakasabwat ang mga residente sa lugar kaya napakahirap i-operate.

Pero walang imposible sa liderato ni Col. ­Eleazar dahil ikinasa ang operasyon sa pangungun­a ni QCPD Station 3 Commander Supt. Danilo Mendoza.

Sinalakay ng grupo ang Salam compound at nagresulta ng pagkakasukol sa may 85 mga suspek sa paggamit ng iligal na droga.

Hindi naging masalimuot ang operasyon dahil nakipag-ugnayan ang grupong nagsagawa “Oplan Tokhang Galugad”  sa mga barangay officials na kinabibila­ngan nina Culiat Barangay Captain Vic Bernardo at SPO2 Hassan Adi na siyang presidente ng Barangay Culiat Muslim Peace and Order Council.

Sa nasukol na 85 drug suspects na naaktuhang nagsasagawa ng pot session sa tatlong bahay sa compound ay dalawa rito ang tinaguriang bigatin.

Bigatin dahil isa umano rito ay miyembro­ ng kilabot na Abu Sayyaf­ Group na si Juraid Sahibbun kasama ang isang  sina­sabing drug lord na kasama sa drug watch ng kapulisan na si Hadji Abraham.

Nasamsam sa mga suspek ang 33 sachets  ng hindi madeterminang dami ng shabu na tinatayang tumitimbang ng 100 gramo, apat na ­sachets ng marijuana na tumitimbang ng 7 gramo, 1 rolyo ng foil, 10 lighter, 4 na weighing scales, 14 improvised tooters, aluminum foil strips, 3 live ammunitions ng  9mm, 1 improvised samurai, 1 caliber 38 na may bala at 8 cellphones.

Inasunto ang mga nahuli ng paglabag sa ­Republic Act No. 9165, o “Comprehensive Dangerous­ Drugs Act of 2002” sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Isa na naman itong tagumpay para sa QCPD, kaya good luck sa pamunuan ng QCPD at hangad namin ang mas marami pa ninyong ­accomplishment bilang pagtalima sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na mawalis ang iligal na droga sa bansa.