Hindi na tayo tinantanan ng sandamukal na negatibong balita. Giyera sa Marawi City, Resorts World Manila attack, pagsalakay ng NPA sa Negros at marami pang iba. Isama pa natin ang video na ikinakalat sa social media tungkol sa umano ay plastic na bigas. Hindi na ba tayo makakahinga sa ­nakakagimbal na balita?

Mabuti naman may lumabas na good news, mukhang natabunan lang ng mas kontrobersiyal na balita. May kaugnayan­ ito sa araw-araw na panga­ngailangan sa basic services­ ng bawat pamil­yang Pilipino, ang kuryente.

Hindi lang natin mas­yadong pinansin, pero kamakailan ay nagpahayag ng significant reduction sa singil ng kuryente ang Meralco sa buwan ng Hun­yo ng taong kasalukuyan.

Ang bawas-singil sa kuryente ay kasunod ng pagbaba ng power rates sa buwan ng Mayo na Php0.29 per kWh. Ibig sabihin nito na kung ang inyong taha­nan ay may kunsumo na 200 kWh, kayo ay makakatipid ng hanggang P58.

Sa buwang ito, ang electricity rates ay bumaba ng mahigit sa doble kumpara sa nakalipas na buwan na P0.29, kaya umabot sa P2 per kWh ang kabawasan. Nangangahulugan na kung ang inyong tahanan ay may kunsumo ng kuryente na 200 kWh, may matiti­pid kayong P300 sa buwang ito ng Hunyo.

Ibinalita sa atin ni Meralco spokesman Joe Zaldarriaga, na ang power rate reduction sa buwang ito ang pangalawang pinaka-malaking pagbabawas-presyo mula noong Dis­yembre 2009.

Noong Mayo, nauna­ na ring nagbaba ang Meralco­ ng mahigit P0.29 kada­ kWh sa singil sa kuryente­ at ito ang naging dahilan ­kaya naman nagkaroon ng ­refund ang ibang kumukunsumo ng kuryente.

Sa panig naman ng manufacturing sector, mala­ki ang kanilang paki­nabang dahil sa paglago ng kanilang productions dulot ng mababang singil sa kuryente, resulta ay pag­lago rin ng kanilang kita.

Ang power rates reduction ngayong Hunyo ay dulot ng refund ng over-recovery sa pass-through charges mula January 2014 hanggang December 2016 na aabot sa halagang P6.9 billion.

Resulta rin ito ng refund ng Meralco na inapruba­han ng Energy Regulatory Commission (ERC) noong May 11, 2017, at ipapatupad ito mula Hunyo hanggang Agosto 2017.

Malaki rin ang naging epekto ng pagbaba sa si­ngil ang bumababang gene­ration charge, mababang generation cost dahil sa epektibong pagpapatakbo ng IPPs at PSAs, at mababang WESM charges.

Pero hindi porket buma­ba ang bill ninyo sa kuryente ay hindi na tayo magko-control sa paggamit ng mga appliances sa bahay? Tipid-tipid din ‘pag may time!