Buwagin ang Phisgoc Foundation, Inc.

ramil-cruz-turning-point

TURNING POINT
Ramil D. Cruz

Palala nang palala ang gusot sa Philippine Olympic Committee.

Samantalang paigsi nang paigsi ang panahon ng bansa para sa paghahanda sa 30th Southeast Asian Games 2019 na itataguyod ng mga Pilipino sa darating na Nobyembre 30-Disyembre 11.

Iisa ang lang ang dahilan.
Ang pagkakaroon ng dalawang organisasyon na magpapatakbo sa 11-nation, multi-sport bienniel meet – ang unang binalangkas na Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee o Phisgoc at ang palihim, iligal na binuong Phisgoc Foundation, Inc.

Iisa ang chairman o tagapangulo ng dalawang komite – si Taguig City 1st Dist. Rep. Alan Peter Cayetano.

Ang pagkabuking ni Victorico Vargas sa pagtatag ng PFI at pagpasok nito sa sobrang mahal na halaga ng mga uniporme ng Team Pilipinas para sa SEA Games, ang pumuwersa sa kanya na magbitiw sa pagiging pangulo ng POC nitong Hunyo, ayon sa mayoryang nabuo sa POC executive board.

Ngayon lumaki na ang sunog. Umabot na ang apoy sa international media at nakarating na rin sa International Olympic Committee at Olympic Council of Asia.

Bantay-sarado na tayo o ang POC sa bawat kilos sa nasabing world at continental sports bodies. Kung magmamatigas tayo, simple lang yan. Baka masuspinde ang ‘Pinas sa IOC at OCA. Nangangahulugan na maba-ban tayo sa mga international meet gaya ng Summer Olympic Games, Asian Games at iba pa.

Kaya para malutas na ang lahat, buwagin mo na ang Phisgoc Foundation, Inc. Cong. Cayetano. Kung mahal po ninyo ang bansa, at ang sports.

At kung tunay kang statesman at sportsman sa tunay na kahulugan ng mga salitang iyan!

***
Hapi, habertdey kumpareng Pablo J. Cay ng San Juan, Batangas at Sta. Rosa City, Laguna na nagdiwang nitong Hunyo 30.

Maligayang kaarawan din sa Fernando Ma. Guerrero Elementary School 1982 batchmate, Maria Theresa Garcia Afable nasa Rome, Italy at nag-celebrate ng June 28.

Pati sa mga nagdiwang nitong Hulyo 1 na sina volleyball star Stephanie Mercado, former Abante TONITE sports editor Junephrey Ocampo at sportswriter, dating Philippine News Agency editor Lily Ramos.