Sa pagpasok ng modernong panahon, marami na rin ang nagbago sa pamumuhay nating lahat. Hindi ligtas dito ang pagbabago sa mga katungkulan ng mga miyembro ng pamilya.
Noong araw, si tatay lamang ang nagtatrabaho at si nanay ay nasa bahay, nag-aasikaso sa mga gawaing bahay at higit sa lahat nag-aalaga sa pamilya lalo na sa mga anak.
Noong araw, matiyaga ang bawat ina ng tahanan na maghain ng organic food o ang mga lutong bahay na wala halos preservative.
Pero ngayon, iba na ang mundo. Kailangan na ring magtrabaho ni nanay para matiyak ang maayos na kinabukasan ng pamilya.
Ang siste, nauuwi na ang pagkain ng pamilya sa ready to cook food o lalo na sa mga ready to eat at fast food at kadalasan itong nagreresulta sa matitinding sakit sa mga bata.
Isa na rito ang sakit sa kidney o bato na bagama’t sinasabi ng mga doktor ay maaari ring namamana, malaking factor dito ang ating mga kinakain.
At ngayong Kidney Health Month, dapat tayong mamulat lahat na ang pag-aalaga sa ating mga mahal sa buhay ay hindi lamang sa ibibigay natin ang anumang gusto ng mga bata.
Dapat isama natin sa pagmamahal ang tunay na disiplina sa pagkain. Hindi porket ginusto ng mga bata ay ating ibibigay dahil minsan ito ang nagdudulot din nang pasakit sa kanilang mga kalusugan.
Kamakailan, naghain ng panukalang batas si Senador Sonny Angara na nagtutulak para sa pagtatatag ng ‘dialysis center’ sa nasyunal, pangrehiyon at panlalawigan na mga pampublikong pagamutan.
Ito ay kasunod ng ulat ng Department of Health na 10 hanggang 15 porsiyento ang itinaas ng mga nagkakaroon ng ‘kidney failure’.
Kaya tandaan, hindi lang ang pagbibigay sa hilig ng mga anak ang pagmamahal, maaaring mas malalim na uri ng pagmamahal ang paggabay sa tamang pagkain at inumin upang hindi bumigay ang ‘kidney’. Ang pagsisi ay laging nasa huli.