Nang dahil sa isang celfone ay nagbuwis ng buhay ang isang alagad ng batas matapos itong mabaril ng aarestuhing kawatan sa Barangay Uno, Cabuyao, Laguna kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni P/Supt. Joseph Bayan, hepe ng Cabuyao Police, ang nasawing kagawad ng pulisya na si PO1 Gerundio Gelizon, nakatalaga sa Biñan Police Station.
Batay sa report ng Biñan Police, rumesponde si Gelizon at ang isa pang pulis na nakilala lamang sa pangalang PO1 Muksin dahil sa sumbong ng isang babae na ninakawan umano ng celfone.
Sa salaysay ng ninakawang bebot, alas-9:30 umano ng gabi nang mag-text sa kanya ang suspek upang isauli ang ninakaw na celfone.
Itinakda umano ang pagkikita ng suspek at ng kanyang biniktimang bebot sa isang lugar sa nasabing barangay kaya nakipag-ugnayan ang babae sa mga awtoridad.
Nagpasya umano si PO1 Gelizon kasama ang isa pa na samahan ang biktima patungo sa tagpuan. Mula sa presinto ay sumugod ang dalawang pulis kasama ang babaeng biktima sakay ng isang motorsiklo.
Pagdating sa lugar ay unang lumapit ang suspek si Gelizon.
Walang kamalay-malay ang biktima na armado ang suspek kaya’t nabulaga ito nang salubungin ito ng putok mula sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril ng suspek.
Nagtamo ng tama ng bala sa kanang bahagi ng katawan ang pulis at mabilis na isinugod sa ospital, subalit nasawi habang inililipat ito sa isa pang ospital.
Agad namang nakatakas ang suspek matapos ang pamamaril. Ni Ronilo Dagos