Nasawi ang driver habang sugatan naman ang nakakabatang kapatid nito matapos na masagi ng nakasalubong na truck nang tangkain nitong i-counterflow ang minamanehong motorsiklo, kamakalawa ng gabi sa Road 10, sa Tondo, Maynila.

Namatay noon din ang biktimang si Roel Gabotero, 36, driver at residente ng Smokey Mountain, Tondo, Maynila habang sugatan naman ang kanyang kapatid na si Ronaldo Gabotero, 32, binata, construction worker, ng Smokey Mountain, Tondo, Maynila, na ginagamot sa hindi tinukoy na pagamutan.

Habang inaalam pa ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) ang pagkakakilanlan ng driver ng trailer truck na mabilis na tumakas matapos ang aksidente.

Sa imbestigasyon ni SPO2 Mario Li­sing ng MDTEU, dakong alas-8:30 ng gabi nang maganap ang aksidente sa Road 10, malapit sa kanto ng Jacinto Street sa Tondo.

Sakay umano ang magkapatid ng kanilang motorsiklo na may plakang “for registration” at pauwi na sa kanilang taha­nan nang maisipang mag-counterflow sa northbound lane ng Road 10.

Pagsapit sa harapan ng Smokey Mountain ay nasagi ito ng kanang harapang bahagi ng isang truck dahilan upang mawalan ito ng kontrol at mabangga pa sa trailer ng truck.

Nalaglag ang magkapatid sa motorsiklo na nagresulta sa pagkamatay ni Roel habang sugatan naman si Ronaldo.

Mabilis naman na tumakas ang driver ng truck sa halip na tulungan ang magkapatid.

One Response