Kamatayan ang idinulot nang matapat na pagtupad sa tungkulin ng isang project employee ng Maynilad nang malunod ito sa loob ng imburnal na kanyang nilusong upang tanggalin ang mga bara at maiwasan ang posibleng pagbaha sa Tondo, Maynila kamakalawa ng madaling-araw.

Gumamit pa ng apat na vacuum trucks para maiahon sa imburnal ang biktimang si Jobani Luzon, 30, binata, project employee ng Maynilad at residente ng 1227 Block 12, Gumaoc West, San Jose del Monte, Bulacan.

Sa imbestigasyon ni PO3 Marlon San Pedro, ng Manila Police District–homicide section, dakong ala-1:10 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Antonio Rivera Street, kanto ng Claro M. Recto Ave­nue sa Tondo.

Nabatid na lumusong ang biktima sa isang baradong imburnal gamit ang isang driving apparatus para alisin ang mga basurang bumara doon upang maiwasan ang pagbaha dahil sa malakas na pag-ulan dulot ng ha­nging habagat na hinila ng bagyong Gorio.

Gayunman, nagtaka ang kanyang kasamahan na si Mark Joseph Castro, 22, dahil bigo ang biktima na tumugon nang hilahin niya ang lubid na nakatali sa katawan nito, na siyang paraan nila ng komunikasyon.

Sanhi nito ay nagpasya na si Castro na hilahin na pataas ang biktima pero sa halip na ang biktima ang nakatali sa lubid ay nadiskubreng ang nakatali doon ay isang sako na puno ng mga basura.

Posible umanong may inabot na basura ang biktima na malayo sa kanya kaya inalis ang tali sa kanyang katawan at itinali pansamantala sa sako ng basura pero minalas namang malunod.

At upang maiahon ito mula sa pagkalunod sa malalim at maburak na imburnal ay kinailangan ng apat na vacum trucks ng mga awtoridad.

Pagkaahon ay agad na isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktima pero dead-on-arrival na ito.

Dinala naman ang bangkay ng biktima sa Archangel Funeral parlor para sa awtopsiya at safekeeping.