Buwis sa assets ng patay babawasan na

Magiging prayoridad ng Senate committee on ways and means ang ­panukalang batas upang mareporma ang estate tax upang sa gayon ay “hindi na pamatay” ang laki ng buwis na sasaluhin ng magmamana.

Ipinaliwanag ni Sen. Sonny Angara, chairman ng nasabing komite, na base sa isusulong nilang panukala, babawasan ang estate tax rates habang itataas naman ang tax deductible expenses — tulad ng medical at ­funeral expenses.

“The end result is that a grieving family will be spared the further anguish of paying high estate taxes which often delay the distribution of the assets to the heirs,” paliwanag ni Angara kasabay ng pagsasabing may basbas na ito ni Finance Sec. Carlos ‘Sonny’ Dominguez.

Sa nasabing panukala, ang deduction sa buwis ay itataas sa P2 milyon mula sa kasalukuyang P1 milyon.

Dagdag pa rito, ang family home ay hindi na bubuwisan kung nagkakahalaga lang ito ng P2 milyon mula sa kasalukuyang ‘threshold’ na isang milyong piso.

Maaari ring gamitin sa allowable deductions ang medical expenses hanggang sa isang milyong­ piso at funeral expenses hanggang kalahating milyong piso.