Buwis sa health card

Bigyan ng proteksyon ang media

Pasimple rin kung dumiskarte itong Bureau of Internal Re­venue (BIR), pati na ang pagpapagamot eh gusto pa nilang patawan ng buwis. Sa pag­hahangad na mabawi ang nawalang re­venue sa implementasyon ng paglilibre sa buwis sa mga taong kumikita ng P250,000 kada taon, tila gumawa sila ng paraan para makalikom ng karagdagang salapi.

Mabuti na lamang at nakabantay si Senador Sonny Angara at binuking ang inilabas na Revenue Memorandum Circular (RMC) 50-2018 (A7). Gusto kasi ng BIR na ang premium sa mga health card na binabayaran ng employer ay maging bahagi ng bonus at benepisyo ng mga emple­yado na may P90,000 limit sa tax-exemption. Taliwas ito sa dating posisyon ng BIR na libre sa buwis ang premium sa health card.

Lumalabas tuloy na binabastos ng BIR ang kapangyarihan ng Kongreso dahil sa hindi makita ni Angara kung saang pahina ng Republic Act 10963 nakasulat na dapat buwisan ang mga HMO o health card. Giit pa ng chairman ng Senate Committee on Ways and Means, kailangang klaruhin ng ahensiya ang tunay nilang intensyon sa paglalabas ng memorandum.

“Sa laki ng gastusin sa pagpapagamot at pagpapa-ospital, hindi makatao na bubuwisan pa ang mga benepisyo na naka­tutulong nang malaki para pangalagaan ang kalusugan ng bawat pamilyang Pilipino,” giit pa ni Angara.

Isa tayo sa sumasaludo sa naging hakbang ni Angara. Malaking pakinabang ang health card sa pagpapakonsulta at pagpapagamot lalo na ngayong napakamahal ang magkasa­kit. Pati ba naman ang pagpapagamot, bubuwisan pa ng BIR?
***
Isa rin sa nakapag-iinit ng ulo ay itong Department of Energy (DOE). Mantakin niyo ba namang tumungo ang mga ito sa mga maliliit na gas station sa Bulacan dahil sa ulat na nagbebenta sila ng murang gasolina at diesel. Duda sila na may ibang halo ang mga gasolina at diesel kaya mura nila itong ibinebenta.

Hindi ba nila naisip na bahagi ito ng estratehiya ng mga ma­liliit na kompanya para malabanan ang kliyente ng malala­king kompanya? Kompetisyon ang tawag dito pero mukhang nakalimutan na yata ng DOE ang terminong ito dahil sa ilang dekadang pagsasawalang-bahala sa pagbebenta ng mahal na produkto ng Big 3 at iba pang kompanya ng langis.

Kung mahal pala ang ibinebenta ng mga oil company, ok lang sa DOE. Pero kapag may nagbenta ng murang gasolina at diesel, sila ang pag-iinitan. Hindi nakapagtatakang akusahan sila ng mga mili­tanteng grupo bilang kapasakat ng mga multinational oil company.