Bulagta ang tatlong drug suspek matapos umanong manlaban sa ikinasang buy-bust operation ng Manila Police District (MPD), kahapon ng madaling-araw sa dalawang magkahiwalay na lugar sa Maynila.
Ayon kay PO3 Dennis Turla, imbestigador ng MPD-Homicide Section nasawi dakong alas-12:30 ng hatinggabi ang mga suspek na kinilalang sina Reynaldo dela Cruz at isa na nakilala lamang sa alyas na ‘Ayi’ Cailan, edad 30-35, sa Pandacan, Maynila.
Sa imbestigasyon, nabatid kay Police Sr. Insp. Val Valencia, team leader ng Pandacan Police Drug Enforcement Unit na ikinasa ang buy-bust sa Beata St., Brgy. 839, Pandacan, Maynila dahil nasa watchlist si Dela Cruz ng kanilang istasyon at dati na rin umanong sumuko sa Oplan Tokhang pero nagpatuloy pa rin sa pagbebenta ng droga.
Nakahalata umano si Dela Cruz kaya’t pinaputukan nito ang mga pulis na napilitan namang gumanti at napatay on-the-spot ang mga suspek.
Sa puntong ito ay lumabas umano si Cailan na armado ng baril at sumigaw ng “Sabayan na lang tayo,” dahilan para paputukan rin siya ng mga pulis at tinamaan.
Samantala, kamakalawa naman ng alas-4:40 ng hapon napatay rin ang isang drug suspek sa Sta. Cruz, Maynila, na si Wilfredo Halili Almueda, 47, at taga-Brgy. 368 Zone 37, Antipolo St., Sta. Cruz, Maynila sa buy-bust operation matapos na manlaban sa mga tauhan ng MPD-Police Station 3.