BUZZER-BEATER!

japeth-aguilar

Nasa kamay na ng San Miguel Beer ang panalo, pero hindi pumayag si Japeth Aguilar.

Kalmadong ibinaon ni Aguilar ang jumper sa baseline, pumasok ang bola bago tumunog ang final buzzer, at naitakas ng Ginebra ang 97-96 panalo tungo sa 2-1 lead sa kanilang PBA Governors Cup semifinals.

Nang bumagsak sa net ang huling tira ni Aguilar, dumagundong ang Smart Araneta Coliseum sa selebrasyon ng Gin Kings fans.

“That was fun, that was a fun game. It was a hard game, that was well fought. We just stayed in the game with our cha­racter,” bulalas ni Ginebra coach Tim Cone. “Boy, Japeth was calm when he hit that shot.”

Sa dulo, dalawang tsansa ang napakawalan ng Gins nang sumablay si Sol Mercado sa isang tira. Balik sa kanila ang rebound, pero mintis din si Scottie Thompson. Kuha na naman ng crowd darlings ang offensive board, at sa pangatlong pagkakataon ay siniguro ni Aguilar ang game-winner mula sa pasa ni Mercado.

Nagsumite si Justin Brownlee ng 25 points, tumapos ng 22 si Aguilar sa Ginebra. May 20 points at 10 rebounds pa si LA Tenorio.

Nilista ni Thompson ang una niyang triple-double bilang pro sa kinamadang 12 points, 11 assists at 12 rebounds. Si Thompson ang unang homegrown PBA rookie na tumapos ng triple-double kasunod ni Johnny Abarrientos — player din ni Cone — noong 1993.

Puwede nang tapusin ng Ginebra ang race-to-three series bukas sa Big Dome din.