CAB pinasuspinde mga flight

Matapos maglabas ng flight schedule, pinasuspinde ng Civil Aeronautics Board (CAB) sa mga local airline ang mga biyahe nito sa Hunyo 1.

Hindi pa kasi anila inaprubahan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang mga panukalang ruta ng domestic air service.

“Consequently, airlines are hereby advised to cancel their flights on June 1, 2020 and to stop selling tickets for the said date,” ayon pa abiso ng CAB.’

Nauna rito ay inanunsyo na ng Philippine Airlines (PAL) ang kanilang pagbabalik-operasyon sa international at domestic travel simula Hunyo 1, kung kailan luluwagan na ang mga paghihigpit sa bansa habang may COVID-19 pandemic.

Nagpabatid din ang Cebu Pacific na lilipad na ito sa ilang lugar sa bansa simula Hunyo 2, habang suspendido pa rin ang kanilang mga international trip hanggang Hunyo 30.

Pahayag naman ng AirAsia, kinakausap na nila ang ilang lokal na gobyerno at pinagpaplanuhan na ang unti-unting pagtutuloy ng kanilang mga fligh ngayong Hunyo.(SDC)