Cabanatuan City government kinalampag ng COA

Kinastigo ng Commission on Audit (COA) ang pagkabigo ng Cabanatuan City government na ma-dispose ang mga sasakyan at heavy equipment nito na hindi ginagamit at tuluyang nag-depreciate ang ha­laga na umaabot sa P36. 56 milyon na dapat sana ay nakadagdag sa kita ng lungsod.

Kabilang sa mga ito ang mga lumang motor vehicle at heavy equipment na basta na lang iniwan sa isang lugar hanggang sa tuluyan nang maluma at maging obsolete.

“If found to be valuable, (unserviceable properties) may be sold at public auction to the highest bidder under the supervision of the pro­per committee on award,” ang nakasaad umano sa batas, ayon sa COA.

Dahil sa kapaba­yaan na ito ng mga lokal na opisyal ng Cabanatuan ay mas nawalan ang lungsod ng karadagdagang revenue o kita, ayon sa state auditor .
Inatasan nito ang city government na gawin agad ang nararapat na hakbang para maibenta o ma-dispose ang nasabing ari-arian bago pa ito tulu­yang hindi mapakinaba­ngan, na sinang-ayunan naman ng mga opisyal dito. (Yves Briones)