Caguioa 10,000-point club member na maangas pa!

Mga laro ngayon:
(Ynares Center-Antipolo)
4:30pm – NorthPort vs Columbian Dyip
6:45pm – Alaska vs San Miguel

Sa kanyang 16th season, naging pang-16 na miyembro ng 10,000-point club si Mark Caguioa nang mag-init sa 106-92 win ng Ginebra kontra NLEX Biyernes ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Nilista ni Caguioa ang 10,000th sa isang short jumper 73 seconds sa laro na nagbigay sa Gin Kings ng 106-88 lead.

Tumapos ng 16 points at 8 rebounds si Caguioa, pangalawa kay James Yap ng Rain or Shine sa active players pang nakarating sa milestone.
“I’m honored to be part of Mark Caguioa’s 10,000th point,” pahayag ni coach Tim Cone matapos ihatid ang Gins sa 6-1 card para manatili sa tuktok ng PBA Governors Cup.

“He’s had a hell of a career. He’s a special person, a special player.”

Pasabog ng 26 points, 12 rebounds at 6 assists si Justin Brownlee para giyahan ang Ginebra. May tig-17 sina LA Tenorio at nagbabalik mula calf injury na si Japeth Aguilar.

Dumausdos sa 4-3 ang Road Warriors, pinangunahan ng 21 points ni Larry Fonacier.

Samantala sa unang laro, nagsabwatan sina Henry Walker at Paul Zamar sa fourth quarter para iligtas ang Blackwater 94-91 laban sa inaalat pa ring Meralco Biyernes ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Nagsalansan ng 12 points si Walker sa final frame, may 10 si Zamar para ibalik sa win-column ang Elite sa 5-1 card sa PBA Governors Cup.
Itinabla ng split free throw ni Allen Durham ang iskor sa 91-91 sa final 18 seconds, makalipas ang 9 ticks ay nakawala sa labas ng arc si Zamar para ibaon ang winning basket.