Caidic pumutok ng 46 tres sa PBA Legends game

Sumipot sa isang fun game o katuwaang laro si Allan Caidic kahapon, Martes.

Pero mukhang sineryoso ito ng nag-iisang Triggerman ng Philippine basketball.

Nagsalpak ang 55-anyos na ngayong former PBA Most Valua­ble Player (MVP) ng 46 three-pointers para tumapos ng 142 puntos sa exhibition game na isinagawa sa Candon, Ilocos Sur.

Sa report na unang lumabas sa Spin.ph, nakasama rin ni Caidic sa nasabing exhibition game ang ilang PBA legends gaya nina Jerry Codinera, EJ Feihl, Gerry Esplana at Pido Jarencio kontra sa mayors at vice mayors ng Ilocos Sur.

Bagama’t isang “fun game” kung ilarawan ito ni Caidic, hindi pa rin maiiwaglit ang ginawang 46 three-points nito sa loob lamang ng isang laro.

“Sina Gerry Esplana at Pido (Jarencio) ang nagbuyo sa akin. Sabi nila, break ko raw ang three-point record,” wika ni Caidic sa pana­yam ng Spin.ph.

Si Caidic pa rin ang may hawak ng PBA record sa may pinakamaraming tres (17) sa isang laro na naganap noong 1991 tungo sa 79 puntos sa 162-149 na panalo ng Tivoli kontra Ginebra.

“Katuwaan lang ‘yun. Lahat ng pasa sa akin,” pagtatapos nito.