Caidic, SMB niligwak ang Alaska

Caidic, SMB niligwak ang Alaska

Trigger Man pa rin si Allan Caidic nang pumukol ng 6 na tres at pamunuan ang San Miguel Beer legends kontra Alaska Milk sa ‘Return of the Rivals’ Linggo ng gabi sa Smart Araneta Coliseum,

Lampas 20 taon nang retirado sa PBA si Caidic pero wala pa ring pinagbago ang pulso pagdating sa three-point shooting sa bakbakan na nagpanganga sa mga kalaban at manonood.

Nasa edad 53-anyos na siya, kayang-kaya pa ring magpaulan ng malulutong na tres. Tumapos siyang may 26 points, anim dito ay mula sa rainbow country.

Iyon ang naging dahilan upang maiuwi ng Beermen ang panalo para sa Milkmen, 96-83, at masungkit din ang Player of the Game honors.

Nakaungos pa ang Alaska sa first half, 40-32, bago biglang bumuhos ang Beermen sa second half.

Matapos itabla ng San Miguel ang iskor sa 75-all sa fourth canto, nagpakawala ng 16-4 scoring blitz ang SMB tampok ang dalawang tres ni Caidic para tuluyang maselyuhan ang panalo.

Nakatuwang niya sina Denok Miranda na may 17 pts. at two-time PBA MVP Danny Ildefonso na sumikwat ng tig-14 points at rebounds.

Para naman sa Alaska, nanguna ang dalawang PBA MVP guard na sina Willie ‘The Thriller’ Miller na kumamada ng 20 markers, at Johnny Abarrientos na ­sumungkit ng double-double, 11 points at 10 boards.

Ang iskor:
San Miguel Beer 96 – Caidic 26, Miranda 17, Ildefonso 14, Hontiveros 11, Belasco 7, Alvarez 6, Racela 5, Agustin 4, Calaguio 3, Gamboa 2, Paras 1, Reyes 0, Asaytono 0, Teng 0, Abuda 0.

Alaska Milk 83 – Miller 20, Abarrientos 11, Santos 9, Dela Cruz 8, Cariaso 7, Laure 6, Duremdes 5, Juinio 5, Lastimosa 4, Ferriols 4, Gomez 2, Hawkins 2, ­Sotto 0, Adornado 0.
Quarters: 20-21; 32-40; 62-59; 96-83.