Wala paring kupas si 1990 MVP Allan Caidic sa kanyang pamatay na mga tirada kung saan nagtala ng limang three-point shot para pangunahan ang San Miguel Beer sa pagsenglot sa Alaska Milk, 76-61, sa UNTV Cup PBA Legends Faceoff eliminations nitong Linggo sa Pasig City Sports Center.

Humataw si “The Triggerman” ng 15 points upang masungkit ang ikalawang panalo sa month-long tournament na tutulong sa PBA ­Legends Foundation.

‘Di rin paawat ang kanyang teammate na si two-time MVP Danilo Ildefonso na lumaklak ng 18 markers, kasama pa ang anim na rebounds, dalalawang assists at isang steal.

Nanguna naman sa panig ng Alaska si MPBL Commissioner Kenneth Duremdes na may 12 points. Nag-ambag ng tig-10 puntos sina Willie Miller at Johnny Abarrientos.

Pero dausdos ang Milkmen sa 1-1, kakartada ang Ginebra habang bokya pa sa dalawang salang ang Purefoods sa torneong binabalangkas ni UNTV President and CEO Dr. Daniel Razon. May tax-free P2M ang ipagkakaloob niya pagkaraan sa PBA Legends Foundation. (Janiel Abby Toralba)