Calabarzon, Mimaropa naghigpit sa COVID-19 pandemic

Nagsagawa na rin ng mga kaukulang aksyon ang mga pamahalaang lokal sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Laguna) at Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Pahiyas Festival kinansela

Sa Executive Order ni Lucban, Quezon Mayor Celso Olivier Dator, pinakansela muna ang lahat ng malalaking event na gagawin mula Marso 15 hanggang 31, kabilang ang anumang concert at mga handaan kungsaan tiyak na magkakaroon ang mga dadalo ng close contact.

Kasama sa kinansela ang Buhusan at Pahiyas Festival na dinarayo tuwing buwan ng Mayo.

Pinalilimitahan na rin ang mga pilgrim o mananampalataya na dumarayo sa Kamay ni Hesus Shrine na isang religious pilgrimage destination sa bayan ng Lucban.

Sa Lucena City, hinigpitan na rin ang pagpasok at paglabas ng mga residente at mga motorista.

Simula noong alas-sais ng Biyernes nang gabi, Marso 13, ay nagsagawa na ng checkpoint sa lahat ng entry at exit point sa Lucena sa mga lugar ng Grand Terminal, Isabang, Diversion Road at Gulang-Gulang.

Nananatili namang negatibo sa kaso ng COVID-19 ang lalawigan ng Quezon at Lucena City.

Turismo sa Batangas apektado Sa San Juan, Batangas, ipinag-utos na rin ni Mayor Ildelbrando Salud ang pagkansela sa lahat ng tourism activity sa nasabing bayan.

Pansamantalang ipinagbawal muna ang pagtanggap ng mga tu­rista lokal man o dayuhan, sa lahat ng mga resort kabilang na ang mga pinagdarayong mga beach resorts sa Laiya.

May dalawa nang naitalang positibong kaso ng COVID-19 ang lalawigan ng Batangas na dalawang magkamag-anak na senior citizen na parehong nakatira sa Batangas City pero may travel history sa ibang bansa.

Total ban sa Marinduque

Sa Marinduque, total ban naman lahat ng mga taga-ibang lugar na papasok sa isla na manggagaling sa Metro Manila at mga lugar na may kumpirmadong kaso ng COVID-19.

Ito ay sa bisa ng kautusan na ipinalabas ni Governor Presbitero Velasco Jr., na dating associate justice ng Supreme Court.

Papayagan naman ang mga residente ng Marinduque na makauwi sa isla kung ang mga ito ay walang ipinakikitang sintomas ng sakit, negatibo sa anumang infection at papayag na sumailalim sa 14 araw na quarantine.
Kung hindi magbabago ang sitwasyon, inaasahan na maapektuhan din ang Moriones Festival na ipinagdiriwang sa Marinduque tuwing Semana Santa.

Quarantinesa Mindoro

Sa Mindoro, inilabas din ni Governor Humerlito Dolor ang Executive Order No. 2022 na pan­samantalang nagbaba­wal ng pagpasok ng mga dayuhan sa kanilang isla matapos na isai­lalim sa lockdown ang Oriental Mindoro.

Batay sa EO, saan­man manggagaling ang tao at saan man ito sakay, ay hindi muna pahihintulutan na makapasok sa probinsya sa loob ng 12 araw na lockdown ng lalawigan mula alas-12:00 nang tanghali ng Sabado hanggang alas-12:00 nang tanghali ng Marso 25.

Pinapayagan naman ang mga papalabas ng isla.

Para naman sa mga mangingisda na nasa labas ng isla, papayagan ang mga itong makadaong, hangga’t ang mga ito ay wlang naging direct contact sa mga nasa labas ng isla.

Inaasahang maapektuhan ng Mindoro lockdown ang mga maglalakabay mula sa Western Visayas na dumadaan sa Strong Republic Nautical Highway na ang isang pangunahing entry at exit point ay ang Calapan City port. (Ronilo Dagos)