Calatagan, Batangas walang pasok sa Abril 30

Idineklara ng Malacañang na pista opisyal ang Abril 30, 2019 sa bayan ng Calatagan, Batangas.

Batay sa Proclamation no. 706 na inisyu ni Executive Secretary Salvador Medialdea, idineklarang special (non-working) day ang nabanggit na petsa para bigyan-daan ang selebrasyon ng kapistahan ng Calatagan at Cultu­ral Day nito.

Ayon sa proklamasyon, marapat lamang na mabigyan ng pagkakataon ang mga taga-Calatagan na makisaya at makilahok sa okasyon.

Inaasahang may mga ihahandang aktibidad ang mga lokal na opisyal ng Calatagan para lubos na maipagdiwang ng kanilang mamamayan ang okasyon.
Bukod sa mayamang kultura, marami ring mga beach na maaaring puntahan sa nasabing lugar.

Ang proklamasyon ay pinirmahan ni Medialdea noong Abril 8 at ngayon lamang inilabas ng Palasyo. ­(Aileen Taliping)