Calida, Guevarra sabong sa ABS-CBN franchise

Nanindigan si Justice Secretary Menardo Guevarra sa kanyang posisyon na ang isang broadcast network ay maaring magpatuloy ng kanyang operasyon habang makabinbin ang pag-apruba ng renewal ng prangkisa.

“The DOJ stands by its position that there is sufficient equitable basis to allow broadcast entities to continue operating while the bills for the renewal of their franchise remain pending with Congress,” ayon kay Guevarra.

Ang posisyon ni Guevarra ay taliwas sa posisyon ni Solicitor General Jose Calida na hindi na maaring payagan o bigyan ng National Telecommunications Commission (NTC) ng provisional authority ang ABS-CBN sa kabila nang kahilingan ng mga mambabatas.

Sinabi ni Guevarra na ang Kongreso ay maaring dumirekta sa NTC para mabigyan ng PA ang ABS-CBN.

Unang nagbabala si Calida sa mga opisyal ng NTC na maaring kasuhan ng graft kapag binigyan ng PA ang ABS-CBN dahil nag- expired na ang kanilang prangkisa kahapon Mayo 4.

Nalaman na may 11 bills para sa franchise renewal ng ABS-CBN ang nakabinbin sa House of Representatives.

Igjniit naman ni Guevarra sa ilalim ng batas, ang legislative franchise ay dapat makuha ng taong gustong mag- operate ng TV o radio station.

Gayunman hindi pa ito inaaksyunan ng Kongreso kaya pinapayagan ang status quo kahit hindi na pumunta sa NTC.

Sa kabila nang naganap na House hearing noong Marso 10 kung saan pinayagan muna na magpatuloy ng operasyon ang ABS-CBN base sa equity sa ilalim ng guidance ng DOJ , hiniling ni Calida sa Supreme Court (SC) na i- revoke ang prangkisa ng network dahil sa mga paglabag kaya hindi umano makapagpasiya ang NTC.

Samantala, nakasalalay sa magiging kapasyahan ng NTC ang magiging kapalaran ng ABS-CBN na nag-expire ang prangkisa kahapon Mayo 4.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na mayroong batas na nagbibigay-kapangyarihan sa NTC para mag-isyu ng provisional authority kayat hintayin na lamang kung ano ang magiging aksiyon dito ng komisyon.

“Itong bagay na ito is a matter that must be dealt by the NTC as a quasi-judicial body at hihintayin po natin ang sagot mg NTC. At amg Presidente naman po, ipatutupad kung ano ang magiging desisyon ng NTC,” ani Roque.

Sinabi pa ng kalhim na bagamat napatawad na ng Presidente ang ABS-CBN sa naging atraso sa kanya noong panahon ng Presidential campaign, hindi aniya ibig sabihin nito ay tapos na rin ang isyu sa nag-expire na prangkisa nito.

“Alam ninyo na napatawad ng Presidente ang ABS-CBN, pero hindi naman po pupuwedeng maimpluwensiyahan ng ating Presidente ang NTC,” dagdag ni Roque.

Hindi naman sinagot ni Roque ang tanong kung mamamagitan ba ito para mabigyan ng provisional authority na makapag-operate ang ABS-CBN kahit ngayong panahon lamang mg COVID-19 crisis. (Aileen Taliping/Juliet de Loza-Cudia)