Calida napuruhan kay `Cardo Dalisay’

Bumalikwas na si Solicitor General Jose Calida sa mga patama sa kanya ni ABS-CBN star Coco Martin na kilalang `Cardo Dalisay’ sa sikat na seryeng Ang Probinsyano matapos ang pag-shutdown ng kanilang network.

Sa opening statement ni Calida sa joint hearing para sa ABS-CBN franchise renewal, binalikan ni Calida ang sinabi ni Coco na handa siyang makipagpatayan kapag ang pamilya niya ang kinanti.

“He feels that he can solve their problems the same way as he solves them on-screen with much luster and bravado,” saad ng Solicitor General.

Sa paghingi naman ng paumanhin ni Coco kay Calida, sinabi ng opisyal na hindi umano sinsero ang aktor dahil sa patama nito sa kanya.

“However, we cannot discount the fact that in his rage, Coco Martin’s outburst showed a clear lack of understanding of the situation. The sarcasm is clear: ‘Ipagdarasal ko na lumiwanag sana ang inyong isipin at kung sino man ang nag-utos sayo”,” aniya pa.

Kaya naman pahayag ni Calida, kung wala lamang siyang posisyon sa gobyerno ay pinakain na niya umano ang mga pinagsasabi sa kanya ni Martin. “If I had not been the Solicitor General, I would have called his bluff and make him eat his words!” turan pa nito.

Isa pang punto ni Calida ay ang pahayag ng ‘Ang Probinsyano’ lead na tinarantado umano ni Calida at National Telecommunications Commission (NTC) ang mamamayang Pilipino sa pagpapasara ng ABS-CBN.

Ayon kay Calida, feeling umano ni Martin ay malulutas niya ang problema sa pagpapaka-maton katulad ng kanyang karakter na si ‘Carlo Dalisay’.

Samantala, isa isang sinagot ng ABS CBN ang mga alegasyon laban sa naturang TV network sa pagpatuloy ng pagdinig kahapon ng House committees on legislative franchises at good government and public accountability kaugnay pa rin sa panukalang pagbibigay ng panibagong 25-year broadcast franchise sa ABS-CBN.

Sa pamamagitan ni ABS-CBN President and CEO Carlo L. Katigbak, una nitong sinagot ang alegasyon o pagkuwestiyon sa cirtizenship ni ABS-CBN Corp chairman emeritus Gabby Lopez.

“Mr. Eugenio Lopez III has been a Filipino citizen since birth. Nakasaad sa 1935 Constitution na kapag ang iyong magulang ay Pilipino, ikaw ay isang Filipino from birth,” giit ni Katigbak.

Sa sinasabing pagbebenta ng Lopez family sa ABS CBN, pinabulaanan ito ni Katigbak.

Wala rin umanong nilabag ang ABS CBN partikular sa pag isyu ng Philippine Depositary Receipts (PDRs). (Rey Mark Patriarca/Eralyn Prado)