Sumablay ang Office of the Solicitor General (OSG) sa tinakdang panahon ng Sandiganbayan para magsumite ng komento kaugnay ng inihaing apela ng dalawa sa mga akusado sa ill-gotten wealth case laban sa pamilya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos at mga crony nito.
Lumalabas na inuna pa ng tanggapan ni Solicitor General Jose Calida ang paghahain ng quo warranto petition sa Supreme Court (SC) para harangin ang franchise renewal ng ABS-CBN.
Nabatid na itinakda ng anti-graft court noong Pebrero 4 ang deadline para maghain ng kanilang komento ang tanggapan ni Calida sa apela ng mga akusadong sina Rebecco Panlilio at Erlinda Panlilio matapos matanggap ng OSG ang court order noong Enero 21.
“Unfortunately, the said order was routed to the undersigned Solicitor only on February 14, 2020, well beyond the 10-day period required by the Honorable Court as the same was inadvertently included in the other case by his secretary,” paliwanag ng tanggapan ni Calida sa mosyon na inihain nito sa anti-graft court.
Matatandaang inihain ni Calida ang quo warranto petition sa SC laban sa ABS-CBN noong Pebrero 10. Noong Pebrero 18 naman hiniling nito sa SC na mag-isyu ng gag order laban sa ABS-CBN kaugnay ng inihain niyang petisyon.
Si Calida ay kilalang suporter ng mga Marcos.