Arestado ang isang call center agent dahil sa paggamit ng iligal na paputok sa isang parking area sa lungsod ng Makati kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ni Senior Supt. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, ang naarestong suspek na si Jose Zoilo Alberto, 29-anyos, binata, residente ng Unit 703-B Eurovilla 1 No. 142 Legaspi Village, Brgy. San Lorenzo.
Sa ulat ni Simon, dakong alas-12:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa Salcedo Parking na matatagpuan sa Rufino Street ng nasabing lugar.

Nagpapatrolya sina Chief Inspector Cosme Tante Jr. at PO3 Lawrence Florendo ng Police Community Precinct 5 sa bisinidad ng Legazpi Village nang makarinig ng ilang putok sa loob ng nasabing parking area.

Dito, nakita ng dalawang pulis ang suspek na sinisindihan ang pa­putok. Sinita nila si Alberto at nakuha dito ang isang set ng Judas Belt at 72 piraso ng kwitis.

Kasong paglabag sa RA 7183 o Pyrotechnic Law Devices ang isasampa sa suspek. (Armida Rico)