Caloocan bibili ng bodycam para sa mga pulis

Pinaplano na ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Caloocan na mamili ng body cameras na gagamitin ng mga tauhan ng Caloocan City Police sa lahat ng isasagawang police operation sa buong lungsod.

Ayon sa alkalde ng lungsod na si Mayor Oscar Malapitan ay makikita umano doon kung ano talaga ang ginagawa ng mga pulis sa operasyon, kung tino-torture ba nila ang mga nahuhuling tao o kung talaga bang nanlalaban ang mga ito.

Ang paglalagay umano ng body camera sa mga pulis ay magsisilbi ring proteksiyon nila lalo na ng mga mamamayan kung saan ay hindi umano pwedeng mabaliktad kung sino man ang may nagawang paglabag o hindi naaayon sa batas.

Samantala ay inaaasahan ng lokal na pamahalaan ng lungsod na mai-di-deliver na sa Caloocan City Police ang nasabing body camera sa katapusan ng taong 2017.