Tatlong umano’y mga tulak ng ipinagbabawal na gamot ang patay matapos na umano’y manlaban sa mga awtoridad sa isinagawang buy-bust operation sa Caloocan City kahapon ng hatinggabi.
Sa ulat ni Police Senior Supt. Chito Bersaluna ng Caloocan City Police, kinilala ang mga nasawing suspek na sina Joseph Lumayno, Joel Calimbas, alyas ‘Toto’ ng Cecilia Street, Maligaya Park, Barangay 177 ng nasabing lungsod habang ang isa pa ay inaalam ang pagkakakilanlan na isinalarawang nasa 30 hanggang 35 ang edad.
Base sa imbestigasyon ni PO3 Israel Albay ng Caloocan Police North Extension Office (NEO) ganap umanong alas-12:40 ng hatinggabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng NEO Drug Enforcement Unit sa nasabi ring lugar kung saan ay target na masakote si Lumayno ngunit nang maganap na ang transaksyon ay tila nakatunog ito at mga kasamahan sabay nagsibunot ng mga baril.
Agad na pinaputukan ng mga ito ang pulisya dahilan upang gantihan na rin sila ng putok ng mga awtoridad na agaran nilang ikinasawi.
Narekober ng mga tauhan ng Scene Of the Crime Operatives (SOCO) ang tig-isang kalibre .45 pistol at .38 kalibre.
Isa naman sa hanay ng pulisya ang binaril ni Lumayno na mabuti na lamang at nakasuot ng bullet proof vest.
Samantala ay nasa lima pang katao ang naaresto ng mga awtoridad sa nasabing operasyon.