Caloocan chief of police, station commander ng MPD, QCPD sinibak

oscar-albayalde

Nagkasibakan sa hanay ng mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa Metro Manila.

Kinumpirma ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde na sinibak sa puwesto si Sr. Supt. Jemar Mode­quillo bilang hepe ng Caloocan City Police.
Ang dahilan ay hindi umano nalulutas ng mga pulis sa nasabing lungsod ang serye ng mga pamamaril dito.

Sinibak din sa puwesto si Supt. Amante Daro ng Manila Police District-Station 11 dahil hindi rin umano nito malutas ang mga kaso ng patayan at nakawan sa lugar na kanyang nasasakupan.

Kabilang sa mga hindi pa nalulutas na kaso sa area of responsibility ni Daro ay ang pamamaril sa loob ng 999 Mall sa Divisoria kung saan isang negos­yanteng lalaki na may-ari ng puwesto sa nasabing establisimiyento ang nasawi.

Sinibak naman on-the-spot kahapon ni PNP chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang hepe ng Kamu­ning Police Station 10 sa Quezon City Police District (QCPD) na si Supt. Christian dela Cruz.

Sorpresang dumaan si Dela Rosa sa nasabing himpilan dakong alas-sais ng hapon nitong Lunes at nakitang marumi ang paligid, na ikinagalit nito.

Agad umanong tinawagan ni Dela Rosa si Albayalde at inutusan na sibakin si Dela Cruz.

Dalawang pulis din mula sa Follow-Up Unit ng Kamuning Police Station 10 ang sinita ni Dela Rosa nang makita na parehong naka-sibilyan kahit nasa tanggapan ng istasyon ng pulisya.
Sabi ni Dela Rosa, dapat nakasuot ng pro­per uniform ang isang pulis kapag nasa tanggapan ito ng pulisya.

Ipinahayag naman ng NCRPO chief na marami pa ang masisibak sa puwesto kapag hindi inayos ng mga opisyal ng pulisya ang kanilang trabaho sa mga nasasakupang lugar.