Caloocan City bilang killing field

Jeany Lacorte

Itinuturing na ‘killing field’ ang Caloocan City dahil sa magkakasunod na karumal-dumal na krimeng nangyayari sa lungsod.

Lalong nadikit sa lungsod ng katagang ‘killing field’ dahil sa malagim na kamatayang inabot ng tatlong kabataan sa kamay ng mga alagad ng batas sa magkakasunod na insidente.

Unang pumutok muli ang Caloocan City sa usapin ng krimen dahil sa pagkakadakip ng tatlong kagawad ng Caloocan City Police na kinilalang sina PO3 Arnel Oares, PO1s Jeremias Pereda at Jerwin Cruz sa kamatayan ng 17-anyos na si Kian Lloyd delos Santos sa isang anti-drug operations sa lungsod.

Ilang araw pa lamang ang lumilipas ay nakaladkad na naman ang ilang tauhan ng Caloocan City Police dahil naman sa pagpatay sa isang 19-anyos na dating estudyante ng University of the Philippines (UP) sa isa umanong engkuwentro.

Napagkamalan ang 19-anyos na binatilyo na kinila­lang si Carl Angelo Arnaiz na isa umanong holdaper na nanlaban sa mga rumespondeng kagawad ng pulisya.

Pero ang kaduda-duda sa pangyayari ay ang pagkakatagpo sa bangkay ng binatilyo sampung araw matapos ang sinasabing engkuwentro sa isang morgue sa Caloocan City.

Nakakagimbal din na ilang araw matapos matagpuan ang bangkay ni Carl ay natunton na rin ang bangkay ng 14-anyos na binatilyong sinasabing kasama ni Carl na lumabas ng bahay noong Agosto 17 sa kanilang bahay sa Cainta, Rizal.

Punum-puno ng saksak sa katawan ang batang kinilalang si Reynaldo de Guzman na natagpuan sa isang creek sa Gapan, Nueva Ecija.

Dahil sa pangyayaring ito ay nagpahayag ng pagkabahala para sa lungsod si Caloocan City Rep. Edgar Erice.

Para sa mambabatas kahit anong pagpapaganda ng imahe ang gawin ng lokal na pamahalaan sa lungsod ay wala na ring epekto bunsod ng nangyayaring patayan na kagagawan din ng mga pulis.

Aminado si Erice na nakasisira ang ganitong imahe sa Caloocan City at nakakabahala na rin ang mga kaso ng pagpatay sa lungsod.

Ramdam natin ang pangamba ng mambabatas sa mga nangyayaring krimen sa lungsod kaya kailangang kumilos ng pamahalaang lokal katuwang ang kapulisan para mapanumbalik ang magandang imahe ng Caloocan.

Dati ay sirang-sira ang imahe ng Caloocan dahil sa matinding problema sa prostitusyon at sugalan pero bahagya itong nabura dahil sa pagsusumikap ng da­ting mga lider na maibangon ang lungsod.

Kumbaga ay nakawala ang Caloocan sa pangit na imaheng hatid ng prostitusyon at sugalan, kaya may mga negosyong pumasok sa lungsod.

Kanya nga lamang sa paglipas ng panahon ay nagsulputan na ang iba’t ibang krimen sa lungsod. Na­ging madalas na ang holdapan at patayan.

Hanggang nitong mga nakaraang araw ay natuklasan na mismong mga pulis pala ang nasa likod ng mga nangyayaring krimen.

Ang ganito kasamang imahe ng lungsod ay napa­kahirap ibangon pero kung may determinasyon ang isang lider ay walang imposible.

Hindi naman siguro pababayaan ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan na tuluyang kumabit sa lungsod ang taguri bilang ‘killing field’ kaya tiyak na kikilos ang alkalde at makikipagtulungan sa Philippine National Police (PNP) para panumbalikin ang magandang imahe ng pinamununuang lungsod.