Isinailalim sa sorpresang “mandatory drug tests” ang lahat ng empleyado ng pamahalaang lungsod ng Caloocan sa layong malinis ang kanilang hanay sa impluwensya ng iligal na droga.
Pinangunahan ni Mayor Oscar Malapitan ang pagpapasailalim sa drug test na pinamahalaan ng pribadong medical firm na Best Diagnostic Corporation. Sumunod ang iba pang mga halal na opisyal gaya ng mga congressman at mga konsehal.
Matatandaan na noong Agosto 10, ipinasailalim na rin ang mga department at office heads sa sorpresang drug tests kung saan sumalang na rin ang ibang konsehal.
Nasa 3,800 drug kits ang ipinahanda ng lungsod para sa kanilang mga empleyado sa Main City Hall sa 2nd District at sa North City Hall sa 1st District.