Pipilitin ni Carlos Edriel Yulo na maging ikalawang Pinoy na makapasok sa 32nd Summer Olympic Games 2020 sa Tokyo, Japan sa pagsabak sa 2019 FIG World Artistic Gymnastics Championships sa Stuttgart, Germany na binuksan na nitong Biyernes at tatagal sa Oktubre 13.
Tanging ang 19-anyos lang ang representante ng bansa sa 10 araw na kompetisyo, ang panghuling qualifying event para sa 2020 Tokyo Olympics kung saan makakasama niya si Japanese coach Munehiro Kugiyama.
Kailangan lang ni Yulo na makapitas ng kahit anong kulay na medalya rito upang mag-qualify sa 2020 Tokyo Summer Games at maging unang gymnast mula Southeast Asia na direktang makapasok sa quadrennial sportsfest.
Sisimulan ni Yulo ang kampanya sa men’s qualification sa Okt. 6-7 na rito’y hangad niyang makausad sa pitong aparato para sumulong sa Men’s Individual All-Around Finals sa Okt. 11. Sisiklab Men’s Apparatus finals sa Okt. 12-13.
‘Di na baguhan si Yulo sa World Championships. Nagwagi na siya ng bronze medal sa paboritong floor exercise nitong 2018 sa Doha, Qatar sa likod nina multiple world champions Artur Dalaloyan ng Russia at Xiao Ruoteng ng China.
Ang tagumpay ni Yulo sa World Championship ang nagtulak sa kanya bilang unang Pilipino at lalaking Southeast Asian gymnast na nakamedalya sa prestishiyosong paligsahan. (Lito Oredo)