CAMANAVA naparalisa sa binugang abo, buhangin ng Bulkang Taal

Kahit na malayo sa Caloocan-Malabon-Navotas at Valenzuela (CAMANAVA) ang Talisay, Batangas, naparalisa ng isang araw ng pasok ang lahat ng antas ng eskuwela at tanggapan ng gobyerno sanhi ng ashfall dulot ng pagputok ng Bulkang Taal.

Kabilang ang CAMANAVA area sa mga nagsuspinde ng klase at opisina ng gobyerno.

Unang nag-anunsiyo na walang pasok sa Caloocan City na sinundan naman ng Malabon.

Matapos nito, nagdeklara na rin ang Navotas City at kalaunan ang Valenzuela, base sa desisyon ng kani-kanilang mayor at para na rin sa kaligtasan ng kanilang mga nasasakupan.

Wala namang gaanong pinsala sa pag-ulan ng abo sa nasabing mga lungsod, subalit kapansin-pansin ang bahagyang pagdilim ng paligid kahit pa matindi ang sikat ng araw.

Magugunita na nagpalabas ng kanselasyon kahapon ng umaga­ sa mga opisina ng gobyerno at lahat ng antas ng klase sa Metro Manila, CALABARZON at sa iba pang lugar sa Southern­ Metro area si Executive Sec. Salvador Medialdea dahil na rin sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NRRRMC) sanhi ng pag-ulan ng ashfall dulot ng pag-aalburuto ng Bulkang Taal. (Orlan Linde)