Swak sa kulungan ang isang Cameroonian national na nanloko at tumangay ng P250,000 sa kanyang mga biktima, sa ikinasang entrapment operation sa Quezon City.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Karl Heinz Akom Obi alyas Jackson Smith, 29.
Batay sa ulat, Pebrero 28, 2019 nang nakumbinsi ni Obi ang limang biktima na pawang mga residente ng Garcia Heights, Brgy. Holy Spirit, para mag-invest sa negosyo umano nito kapalit ng pagdoble sa kanilang pera.
Ibinigay ng mga biktima ang nasabing halaga at inilagay ito ng suspek sa isang dilaw na plastik, at isa pang bag bago umano hinaluan ng kemikal. Pagkatapos nito, umalis ang suspek at sinabihan pa ang mga biktima na ipitin ang nakabalot ng pera gamit ang mabigat na bagay sa loob ng 10 hanggang 12 oras bago ito buksan.
Kinabuksan binuksan ng mga biktima ang bag at dito na tumambad sa kanila na peke ang pera sa loob nito. Agad silang humingi ng tulong sa pulisya para agad maaresto ang suspek.
Patong-patong na kasong swindling, estafa, illegal possession and use of false treasury or bank notes ang kakaharapin ni Obi.