Campaign caravan ng HNP dinumog sa Maynila

Dinumog ng mga tagasuporta ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) party ang kanilang campaign caravan na idinaos sa San Andres, Maynila kahapon.

Alas-kuwatro nang hapon nang magsimula ang programa kung saan inilahad ng mga senatorial kandidato ang kani-kanilang mga plataporma para sa umano’y pagbabago at pag-unlad ng lungsod at ng Pilipinas.

Ayon kay Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada, ang mga senatorial candidates na humarap sa entablado ng San Andres ang siyang makakatuwang niya upang maibalik ang pagiging Pearl of the Orient ng Maynila.

Dumating sa campaign caravan sina Senator Cynthia Villar, former senator Jinggoy Estrada, Bong Revilla, Ilocos Norte Gov. Imee Marcos, Francis Tolentino at Bong Go habang kumpleto naman ang line up ni Estrada sa local kabilang si Amado Bagatsing.

Bagama’t marami na siyang nabago sa Maynila, sinabi ni Estrada na kulang pa ito upang tuluyang makamit ng lungsod ang drug free city at ang kalinisan nito.

Binigyan-diin naman ni Davao City Mayo­r at HNP Chairman Inday Sara Duterte na patuloy silang naghahanap ng mga kaibi­gan sa iba’t ibang panig ng bansa upang ma­ging katuwang nila sa HNP at ipatupad ang pagbabagong hangad ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Apela ni Inday Sara na kailangan ang tulong ng lahat ng Pilipino upang makamit ang programa ni Pangulong Duterte ng tunay na pagbabago.

Samantala, huling dumating sa campaign caravan ang anak ni Mayor Estrada na si Sen. jV Ejercito.
Katabi nito si Villar at isang upuan ang pagitan nila ng kanyang ama.