Sa halip na sa Binalonan City ay sa Urdaneta City nagdaos ng political rally ang Hugpong Ng Pagbabago (HNP) para i-endorso ang mga opisyal na lokal na kandidato nito sa Pangasinan sa pangunguna ni Gobernador Amado “Pogi” Espino III na tumatakbo muling Gobernador, amang si Congressman Amado Espino II na kandidato bilang Pangasinan 5th Representative at ang kanilang team.

Hindi natuloy ang pagpunta ni Davao City Mayor Sara Duterte at ng buong senatorial slate ng HNP sa nakatakda sanang campaign rally sa Binalonan na inorganisa ng alkalde ng lungsod na si Mayor Ramon Guico III.

Kaalyado ni Guico ang magkapatid na sina Alaminos City Mayor Arthur Celeste, na tumatakbong gobernador ng Pangasinan laban kay Espino III at Bolinao Mayor Arnold Celeste na kandidato naman sa pagka-kongresista ng unang distrito ng Pangasinan laban kay dating Department of Transportation Undersecretary Tim Orbos.

Base sa impormasyon ng Abante Pangasinan, isang lokal na grupong pampolitika, hindi sinipot ng HNP ang mga Celeste dahil sa ilang isyu na taliwas sa paniniwala ng Hugpong.

Ayaw umano ng presidential daughter na masangkot sa mga politikong may kontrobersiya lalo na sa isyu ng illegal drugs na pangunahing laban ng kanyang amang si Pangulong Duterte.

Matatandaang kasama umano sa narco-list ng Phi­lippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na isinumite kay Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang lokal na opisyal ng Pangasinan.