Patay ang isang Canadian national habang sugatan naman ang Filipina na misis nito matapos pagbabarilin ng mga hindi nakilalang salarin sa harap ng kanilang bahay sa Batangas City kamakalawa nang gabi.

Batay sa imbestigasyon ng Batangas City police, bandang alas-7:50 nang gabi, nakatayo sa gate ng kanilang bahay sa Sityo Maharlika, Barangay Tingga Itaas, Batangas City, ang mga biktimang sina Barry Thomas Gamon, 66-anyos, retired pensioner at misis na si Luzviminda Gamon y Comia, 45-anyos, nang pagbabarilin ang mga ito ng mga hindi kilalang suspek.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang dayuhan habang nahagip naman ng ligaw na bala ang misis nito na tinamaan sa hita.

Agad na isinugod sa St. Camillus de Lellis hospital ang dalawa subalit ideneklarang dead-on-arrival ang Canadian.

Malalimang imbestigasyon naman ang isinasagawa ng Batangas police sa insidente at bumuo na rin ng Special Investigation Task Group (SITG) ang Batangas PPO na siyang tututok sa kaso.