Pagkatapos ng mahigit isang dekada, sino’ng mag-aakala na ang da­ting cancer patient ay isa na nga­yong ganap at lisensyadong taga-gamot ng mga may sakit matapos itong guma­ling, magpatuloy sa pag-aral at makapasa sa physician licensure exa­minations.

Nagsimula ang pakikibaka sa buhay ni Doc Albien ‘Bien’ Emmanuel Gacias sa edad na 19 nang ma-diagnose siya sa lung cancer.

Bago dapuan ng nasabing sakit noong 2006 ay pinangarap ni Bien na maging isang doktor matapos maratay sa sakit at pumanaw ang kanyang ina sanhi ng pancrea­tic cancer.

“Mula nang ma-diagnose ang mom ko ng pancreatic cancer, I wanted to become a doctor,” pagbabalik-tanaw ni Bien nang kapanayamin ng Abante TONITE.

Bilang panganay na anak, ma­laki ang naiwang responsibilidad kay Bien.
Lalong bumigat ang kanyang pasanin dahil pagkalipas ng 2 taon ay lumitaw na may taglay itong lung cancer.

“That time naisip ko iyong mga brothers ko kasi I’m the eldest in the family,” dagdag pa nito.

Dahil sa kakapusan at kaila­ngan niyang sumailalim sa operasyon dulot ng lobectomy kung saan kaila­ngang tanggalin ang parte ng kanyang baga at sumalang sa chemotherapy at radiotherapy, pansamantalang natigil sa kanyang pag-aaral bilang nursing student si Bien.

Pagkatapos magamot (bagama’t patuloy pa ring nagpapasuri sa kanyang doktor), nagpatuloy sa kanyang kurso si Bien hanggang sa makakuha ng diploma bilang nurse.

“‘Yung hair ko tumubo na uli. Naisip ko rin na kapag naging nurse ako like ng mga nurses na nag-alaga sa akin, in my own little way, makakatulong din ako sa mga taong may sakit lalo na sa mga cancer patients.” paglalahad pa nito.

‘Di lang basta nagtapos doon ang kabanata sa buhay ni Bien dahil habang nagpupursige na itong maabot ang pangarap na ma­ging doktor ay nasawi rin ang nakababata niyang kapatid sa isang aksidente.

“Mahirap nu’ng una pero mas natutunan ko nang i-value ang life” dugtong pa nito kung saan nagpa­salamat din ito sa suporta at tulong na ibinahagi sa kanya ng kanyang mga tito at tita.

Nitong Marso ay kabilang sa listahan ang pangalan ni Albien Emmanuel Gacias sa mga licensed physician.

“Para sa inyo to Mommy and honeyboy Al Jules Sean Gacia in heaven,” saad pa ni Doc Bien sa kanyang FB page bilang pag-aalay ng kanyang tinamong karangalan sa namayapang ina at kapatid.

Kasabay ng kanyang tagumpay ay pinayuhan at binigyan ng pag-asa ni Doc Bien ang iba pang cancer patients gayundin ang mga taong may malalim na pinaghuhugutan.

“‘Wag po tayong mawalan ng pag-asa. Magtiwala lang tayo kay Lord. Kahit anong struggle sa buhay just focus on your goals no matter how hard it is. Laban lang everyday kasi God will make a way,” pagtatapos nito. (Merque Episcope)