Nalampasan ni Daniela Reggie dela Pisa ang operasyon at chemo therapy sa kanyang ovarian cancer nang apat na taon pa lamang.

Kahapon sa 61st Palarong Pambansa sa Sta. Maria Municipal Gym dito sa Ilocos Sur, pinakita ng determinadong 15-anyos na magandang tinedyer ang liksi at tamang tiyempo upang maging most bemedalled gymnast sa nadaleng apat sa rhythmic gymnastics secondary girls.

Pinamayagpagan ng residente ng Cebu at magi-grade 9 sa University of Visayas sa pasukan sa Hunyo, ang rope (11.067), hoop (14.78), ball (15.30) at overall individual para maging isa sa mga sikat na batang atleta sa isang linggong kompetisyon ng may 12,000 estudyante sa sekondarya’t elementarya.

Nasawata lang siya ni Divina Sembrano ng NCR sa club, 10.9667-10.3167.

“Masaya po kasi first time kong nag-all around gold. Grabe po ang training ko every day,” bigkas ni Dela Pisa, na beterana na sa mga international meets. “Goal ko po mag-national team.” (RCruz)