Bukod sa opensa, isa pang armas ni CJ Cansino ang ipinapakita niya sa kasalukuyang UAAP Season 81 – ang kanyang tikas sa pagkuha ng rebound.

Sa 61-69 pagkatalo ng kanyang UST Growling Tigers laban sa NU nitong Linggo sa FilOil Flying V Arena, nagtala ito ng eight points, five assists at 18 rebounds (11 sa first half).

Para sa 19-year-old rookie na kasalukuyang nag-a-average ng 10.6 rebounds per game, ginagawa niya raw lang ang lahat para makatulong sa mga big men ng UST.

“‘Yun na kasi ‘yung naging role ko para sa team. Maliliit kami at hindi ganoon kalaki ‘yung mga big namin, so kailangan ko talagang pumasok sa loob para makatulong ako sa rebound,” sabi ni Cansino.

Bunga nito, naikukumpara na siya sa ‘Hari ng Rebound’ ng Barangay Ginebra sa PBA na si Scottie Thompson.

“Ako kasi, Ginebra fan ako eh. Since birth, lahing Ginebra talaga, so nu’ng rookie year ni ­Scottie Thompson, idol ko na siya kasi ang ganda ng pinakita niya,” bahagi ni Cansino.

Bukod kay Thompson, hanga rin siya sa laro ni Russell Westbrook ng OKC kung kaya’t sinusubukan niyang gayahin ang laro ng best rebounding guard ng NBA.