Cara y cruz murder

Dahil sa dayaan sa larong cara y cruz, isang lalaki ang pinagsasaksak at napatay ng kanyang kalaro kamakalawa ng hapon sa Tondo Maynila.

Ang biktima na dead on the spot sanhi ng tama ng saksak sa dibdib ay nakilalang si Napoleon Ludwig Pariot, alyas ‘Hamog’, 30, binata, walang hanapbuhay at residente ng Magsaysay Street, Tondo.

Pinaghahanap naman ang tumakas na suspek na si Jaime Pingol, alyas ‘Topak’.

Ayon kay SPO2 Richard Escarlan, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), alas-3:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa Magsaysay Street sa kanto ng Duhat Street sa nasabing lugar, kung saan naglalaro ng cara y cruz ang dalawa nang magkaroon ng pagtatalo. Hanggang sa bumunot ng balisong ang suspek at ilang beses sinaksak ang kanyang kalaro.

Hindi naman madetermina pa ng pulisya kung ang biktima o suspek ba ang sinasabing nandaya sa laro.