Cara y cruz pusta shabu, 2 huli sa Pasig

Arestado kahapon ang dalawang lalaki matapos malambat sa ikinasang Oplan Sita ng Pasig Police makaraang ireklamo ng pag-iingay sa kalsada dahil sa paglalaro ng cara y cruz kung saan ay shabu ang pustahan sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City.

Batay sa nakalap na ulat mula sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), nakilala ang mga suspek na sina Wilmar Turra, 37 anyos at Ibrahim Surio, kapwa residente ng Pasig City.

Inaresto ang dalawa bandang alas-nuwebe ng umaga, Oktubre 8, 2019, sa kahabaan ng E. Santos St. sa nasabing barangay makaraang makatanggap ng reklamo ang awtoridad kaugnay sa pag-iingay ng mga suspek sa kalsada.

Sa tulong ng Pasig Police PCP-8 ay agad na rumesponde at nakita ang mga suspek na nagsusugal ng cara y cruz.

Agad na nagkalasan ang mga miron, habang nalambat naman ang dalawa, at nakumpiska ang tatlong P1 bilang pangara at bet money na P40 at isang dalawang plastic sachet na naglalaman ng shabu.

Kasalukuyang nakakulong ang dalawa sa Pasig detention cell at nahaharap sa kasong paglabag sa PD 1602 at RA 9165. (Vick Aquino)