CARDBOARD KILLERS HUHUBARAN NG SENADO

Huhubaran ng Senado kung sino ang nasa likod ng pamamaslang sa mga pinaghihinalaang drug pusher at user at mga magnanakaw sa buong bansa na sinasabitan ng cardboard o karatula.

Bunsod ito ng pamamayagpag ng diumano’y vigilante group kung saan ang kanilang pinapatay ay sinasabitan ng cardboard at susulatan ng krimeng kinasasangkutan upang huwag tularan ng iba.

Sinabi ni Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson na sa oras na gumulong na ang imbestigasyon ng Senado sa serye ng extrajudicial at summary killings sa drug personalities, tatanungin niya ang mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) kung nagsasagawa sila ng imbestigasyon para matukoy ang vigilantes at riding in tandem na sumasabay sa kampanya ng PNP laban sa iligal na droga.

“Tatanungin ko talaga ‘yan sa hearings. Isa ‘yan sa tatanungin ko. Ilan ang napatay hindi ng pulis, at ano ang progress sa investigation sa napatay na ‘yan. Ilan ang esta­blished or validated na drug lords, pushers o u­sers. Pag user ‘di puwede sabihing criminal ‘yan, mas biktima ‘yan. Ang pusher iba ‘yan, talagang naninira ng kabataan, ng mga tao,” paglalahad ni Lacson sa isang radio program.

Nangangamba si Lacson na baka ang pinapatay ng vigilantes ay hindi totoong sangkot sa iligal na droga kundi nakaalitan lamang.

“…‘Di natin alam ang bagkround ng iba lalo ang vigilante killings, ang riding in tandem. ‘Yan dapat pakita ng PNP na sila walang kinalaman doon, magpursigi silang investigate ang kaso na legitimate police operation. Dapat maipakita nila mahuhuli ang suspect na pumapatay at nagsasabit ng cardboard na huwag ako tularan dahil suspek ako,” giit ni Lacson.

“Una talaga bang drug suspect ang napatay? Baka personal na away at sinabitan ng cardboard. Pangalawa dapat mahuli nila ang riding in tandem. Doon lang nila mapaniwala ang publiko na ‘di pulis ang nagra-riding in tandem o death squad na ino-authorize ng PNP,” katuwiran ni Lacson na minsang naging chief PNP noong Estrada administration.

Sa ikalawang linggo pa ng Agosto sisimulan ng committee on justice and human rights ni Sen. Leila de Lima at committee on public order and dange­rous drugs ni Lacson ang pagdinig sa isyu.

Umaasa naman si Lacson na magtatagum­pay sila ni De Lima sa kanilang misyon lalo pa’t may kanya-kanya silang hugot o pinagdaanan bago naging senador.

“Ang hugot niya sa CHR, ang hugot ko sa PNP,” sambit ni Lacson.