Cardema dinoktor ang papeles sa Duterte Youth

Nagsumite ang Duterte Youth Party-list ng pani­bagong listahan ng mga nominee nito matapos i-disqualify ng Commission on Elections (Comelec) bilang kinatawan ng naturang grupo sa Kamara si da­ting National Youth Commission (NYC) Chairman Ronald Cardema.

Pero lumalabas sa Certificate of Nomination na tinanggap ng Comelec Law Department noong Agosto 6 na mismong si Cardema pa ang nag-nominate sa kanyang sarili bilang first nominee ng Duterte Youth kahit diniskuwalipika na ito ng komisyon at ang asawa nitong si Ducielle Marie ang second nominee.

Pirmado ito ni Cardema at mapupuna rin sa dokumento na sinulat sa ibabaw ng pangalan ng kanyang asawa ang pangalan ni Cardema bilang first nominee.
Kabilang pa sa mga nominee ng Duterte Youth sina Guillermo Villareal Jr., Krizza Reyes at Robert Garcia. Nakakuha ng isang puwesto sa Kongreso ang Duterte Youth noong May 13 elections.
Samantala, sinabi ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon na maaaring makasuhan si Cardema dahil sa pagsisinungaling nito sa poll body.

“Cardema has admitted during the hearings and in his documents that he is already 34 years old,” ani Guanzon.

Kapag nirekomenda aniya ng Comelec Law Department na may probable case laban kay Cardema ay isusumite ito sa Comelec en banc at kapag inap­rubahan ay sasampahan si Cardema ng kaso dahil sa paglabag sa Omnibus Election Code.

Dagdag pa ni Cardema na maaari rin maharap sa criminal offense si Cardema dahil sa pagsusumite ng oath of office sa Kamara bagama’t hindi ito pinayagang umupo bilang mambabatas.