Cardema gurang na para sa youth sector

Pinababasura ng limang grupo ng kabataan at isang organisasyon ang petition for substitution na inihain sa Commission on Elections (Comelec) ni National Youth Commission (NYC) Chairman Ronald Cardema para palitan ang kanyang asawa bilang first nominee ng Duterte Youth party-list.

Nais din ng mga petitioner na ibasura ng Comelec ang pag-atras ng tatlong nomi­nado ng naturang party-list dahil sa paglabag sa at Comelec rules.

Kabilang sa mga naghain ng petisyon ang National Union of Students of the Philip­pines, College Editors Guild of the Philippines, Youth Act Now Against Tyranny­, UP System, Tindig – University­ of Santo Tomas Senior High School at Kontra Daya.

Sinabi ng mga petitioner na lantarang paglabag sa batas ang tangkang substitution ni Cardema isang araw bago sumapit ang eleksyon.

Giit ng mga ito, hindi rin kuwalipikado si Cardema na maging nominado ng nasabing party-list dahil lagpas na siya sa edad para maging kinatawan ng kabataan.

“Cardema—at 33—is unqualified to be a party-list representative for the youth since the party-list requires that a youth sector representative must be aged 25 to 30 years old,” giit ng mga petitioner.

Idinagdag nila na ang asawa ni Cardema na si Ducielle Suarez lang ang kuwalipikadong maging nominee dahil sa edad nitong 27.

Ang ikalawang nominee na si Joseph de Guzman ay 39-anyos na umano samantalang ang ikatlong nominee na si Benilda de Guzman ay 44-anyos na.

“As the law states in unequivocal terms that a nominee of the youth sector must at least be 25 but not more than 30 years of age on the day of the election, it must be that a candidate who is more than 30 on election day is not qualified to be a youth sector nominee,” diin pa ng mga petitioner.

Sinabi naman ni Comelec spokesperson James Jimenez na tatalakayin nila sa en banc ang nasabing isyu. (Mia Billones)