Mga laro ngayon:(Mapua Gym)
2 p.m. — Mapua vs Perpetual Help (jrs)
4 p.m. — Mapua vs Perpetual Help (srs)

Nais ng Mapua na sumalo sa defending champion San Beda at Arellano University habang sisikapin naman ng Perpetual Help na ma­pitas ang unang panalo pagharap nila sa 93d NCAA basketball tournament sa Mapua Gym sa Intramuros.

Nahablot ng Cardinals ang unang panalo matapos nilang kalusin ang Letran, 78-75, noong July 11 upang ilista ang 1-1 (win-loss) kaya ang panalo nila mamayang alas-kuwatro ng hapon sa Altas ang mag-aakyat sa kanila sa second spot at sama­han ang Lions at Chiefs na may tig 2-1 records.

Si Andoy Estrella ang naging bayani sa panalo nila sa Knights matapos isalpak ang panelyong tres, nirehistro nito ang 18 points at tig-pitong rebounds at assists.

Paniguradong lalaban nang pukpukan ang Perpetual Help para makuha ang panalo at makaiwas sa pagkakabaon sa ilalim ng team standings.

Wala pang panalo ang Altas sa dalawang salang.

Ibabandera ng Altas sina Nigerian center Prince Eze at local Gab Dagangon para iharap sa natitikas na players ng Mapua.

Ang laro sa Mapua ay bahagi ng “NCAA on Tour” na ginaganap tuwing Huwebes.