Dawit na naman sa pambubugbog ang dating­ PBA at MPBL player na si Mark ‘Macmac’ Cardona matapos maispatang nakikipagrambulan sa club sa BGC Taguig.

Sa Facebook video post na nilabas ng sinasabing biktima ng pambubugbog ay makikitang may nagrarambulan at isa sa kasangkot dito si Macmac at katropa nito.

“Around 3am po ng madaling araw noong Feb 22,2020 saturday sa may BGC taguig ang grupo po ni Mark Cardona kilalang EX PBA Player pinagtulungan po nila kami habang kami po ay naghihintay ng aming Grab para po makaalis na,” naunang caption ng netizen na si Sofy Teo.

Nagsimula umano ang riot nang aksidenteng mabangga ng biktima si Cardona.
Nang pauwi na sila ay sinundan umano sila, inangasan, inambahan ng suntok na nauwi sa karambola.

“Ang reason po ng paglalait samin, pagmumura at paghahamon makipagaway ay dahil lamang sa hindi sinasadyang pagbangga kay Mark Cardona sa loob ng bar. After ko po siyang ‘di sinadyang mabangga ay doon na siya nanulak ng malakas ng ilang beses at doon na kami nagkagulo. After kaming mapaghiwalay nilabas kami ng mga kasama ko sa bar,” kuwento ng netizen.

Nito lamang nakaraang buwan ay nireklamo rin si Cardona nang maispatang nambubugbog rin sa gimikan sa parehong lugar. Bukod pa rito ang mga nagdaan niyang kaso kung saan noong 2018 ay inaresto na ito dahil sa pananaksak nito sa kanyang ka-live in.

Nasabit din ito sa kasong estafa dahil sa tangka umanong pagbebenta ng isang nakaw na sports utility vehicle sa halagang P300,000.

Sinubukan ng Tonite na kunin ang panig ni Cardona subalit hindi ito sumasagot sa kanyang mga social media account. (Aivan Episcope)