Mga laro ngayon (Filoil Flying V Centre)
12:00 noon — Lyceum vs. Letran (srs)
2:00 p.m. — San Beda vs. San Sebastian (srs)
4:00 p.m. — JRU vs Arellano (srs)
Tumibay ang kapit ng Perpetual Help Altas sa top four matapos payukuin ang Mapua Cardinals, 71-51, kahapon sa 92nd NCAA men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan.
Bukod sa opensa, sinandalan ng Altas ang mahigpit na depensa para ikadena ang panlimang sunod na panalo at upuan ang second spot sa team standings sa 7-2 record.
Mag-isa sa top spot ang last year’s runner-up San Beda College Red Lions sagpang ang 7-0 card.
Nilimitahan ng Altas ang Cardinals sa walong puntos sa first quarter at kabuuang 18 points sa halftime.
‘Yung gusto naming mangyari nagawa namin, pero first round pa lang ito at marami pang dadaanan,” ani Perpetual coach Jimwell Gican.
Hawak ng Altas ang 16-point lead pagkatapos ng unang dalawang quarters, 34-18.
Umibabaw sa opensa si Gab Dagangon matapos ilista ang 20 puntos at 11 boards, umiskor si Nigerian Bright Akhuetie ng 11 points at 12 rebounds para sa Perpetual.
Nalaglag sa 5-3 baraha ang Cardinals na nalasap ang pangalawang sunod na kabiguan.
Tumipa si Darell Menina ng 13 points para sa Cardinals, si MVP Allwell Oraeme ay nadiyeta sa six points lang.
Sa unang laro, sinikwat ng Emilio Aguinaldo College Generals ang 76-56 panalo kontra College of Saint Benilde Blazers.
Tinapos ng Generals ang first round na may 3-6 slate habang bokya sa siyam na laro ang Blazers.