Himalang nabuhay ang isang babaeng caregiver makaraang baunan ng patalim sa ulo ng anak ng kanyang pinagsisilbihang matandang lalaki habang uminom naman ng gas ang suspek na amo dahil lamang sa pagtatalo sa alagang aso sa Quezon City kahapon nang umaga.

Sa inisyal na report kay P/Lt. Col. Louise Benjie Tremor, hepe ng QCPD Kamuning Police Station 10, ligtas na sa tiyak na kamatayan si Jennilita Viran, 54-anyos, tubong Atimonan, Quezon, at stay-in caregiver sa V. Luna Road, Brgy. Pinya­han, Quezon City, matapos magamot sa East Avenue Medical Center.

Agad ring isinugod sa ospital ang suspek na si Edwardo Ferdinand Go, 48, at patuloy na nakaratay sa St. Lukes Hospital dahil sa natunggang gas. Siya ay anak ni Roberto Go, 93, na inaa­lagaan ni Viran.

Sa imbestigasyon ni PSSgt. Remie Villareal, alas-siyete nang umaga nang magtalo sina Viran at naka­babatang Go dahil sa alagang aso ng biktima.

Sa gitna ng pagtatalo ay kumuha ng patalim ang suspek at walang sabi-sabing ibinaon sa ulo ni Viran. Nang duguang tumumba ay agad siyang isinugod sa ospital ng kasamahan sa bahay.

Ang suspek nama’y mabilis na nagkulong sa kanyang kuwarto at nagtangka pang magpakamatay matapos na uminom ng gas.

Tinangka pa umanong sunugin ng nakababatang Go ang kanilang bahay nang buhusan ng gas ang ilang bahagi ng bahay subalit napi­gilan lamang ito. (Dolly Cabreza)