Sa halip na payagang kumalas sa kanilang relasyon, tinadtad ng taga at saksak ng isang tomboy ang kinakasama nitong babaeng care giver kamakalawa ng hapon sa Parañaque City.

Agad na nasawi ang biktimang si Beberly Marcos 46, ng 303 Block 4 Purok River Side Brgy. Sun Valley nang nasabing lungsod dahil tadtad ito ng taga at saksak ng jungle bolo sa dibdib, kamay at likod.

Agad naman nadakip ng mga awtoridad ang suspek na si Nora Dulay, 45, matapos ang pagpatay sa kanyang live-in partner.

Sa natanggap na report ni Senior Supt. Jose Ca­rumba, hepe ng Parañaque City Police, dakong alas-tres ng hapon ng maganap ang insidente sa loob ng bahay ni Dulay sa Purok River Side Brgy. Sun Valley nang nasabing lungsod.

Sa nakalap na impormasyon ng pulisya, noong Oktubre 7 ay nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa dahil sa nais na umanong makipaghiwalay ng biktima sa suspek hanggang sa nagharap pa ang mga ito sa tanggapan ng barangay.

Kung saan bago ang trahedya ay nakipagkita muna ang biktima sa kanilang adopted daughter na si Princess Bherl, 17 sa isang simbahan na malapit lamang sa lugar at biglang lumutang dito ang suspek.

Nagkaroon muna ng mainitang pagtatalo sina Marcos at Dulay at pagkatapos ay nagpunta na ang dalawa kasama ang kanilang adopted daughter sa tinutuluyan ng suspek sa nasabing lugar.

Dito, muling nagtalo ang dalawa at nang mari­nig ito ng kanilang adop­ted daughter ay nagtu­ngo ito sa barangay upang humi­ngi ng tulong.

Sa pagresponde ng mga tanod ay nakasalubong nila ang suspek na puro dugo ang mga kamay, kung kaya’t kaagad nila itong inaresto.

Nang tunguhin nila ang biktima ay duguan itong nakabulagta sa kama at wala nang buhay at puno ng taga at saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nalaman na lamang sa suspek na nagalit ito at hindi matanggap ang gustong pakikipaghiwalay sa kanya ng kinakasama.

Sa ngayon ay tulala at hindi na makausap ang suspek habang nasa detention cell ng Parañaque City Police at nakatakdang sampahan ng kasong murder.

Ang labi naman ng biktima ay pansamantalang inilagak sa Peoples Funeral Homes upang isailalim sa awtopsiya.

2 Responses