Caretaker na drug pusher tinaniman ng 7-bala

Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng tatlong kalalakihang magkakaangkas sa isang motorsiklo ang isang caretaker na sinasabing drug pusher at user habang nakatayo sa harapan ng kanilang bahay sa Pasay City kahapon ng madaling-araw.

Dead on the spot sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si ­Alexander Blanco, alyas Oyett, 48, binata, caretaker at naninirahan sa no. 15-E Lim-an St. Brgy. 2 Pasay City sanhi ng pitong tama ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Batay sa imbestiga­syon ni PO3 Henry Manong ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Pasay City Police, dakong alas-12:40 ng madaling-araw sa kahabaan ng Lim-an St Brgy. 2 Zone 1 nang nasabing lungsod.

Lumalabas sa ­report alinsunod sa testimonya ng ilang residente, naka­rinig umano sila ng sunud-­sunod na putok ng baril mula sa labas ng bahay ng biktima.

Nang tumigil ang ­sunud-sunod na putok nang baril ay nakita na lamang duguang nakabulagta at wala nang buhay ang biktima.

Nakita ding papatakas ang tatlong hindi kilalang salarin na magkaka-angkas sa isang motorsiklo na walang plaka na palayo sa pinangyarihan ng insidente.

Base naman sa paha­yag ni Barangay Chairman Dan Feliciano dati nang sumuko sa ‘Oplan Tokhang’ ang biktima at nanumpang hindi na mu­ling gagamit ito ng iligal na droga pero hindi pa rin ito tumigil sa aktibidad nito.

Kinumpirma rin ni Gina Morales, ­50-anyos, Barangay Kagawad sa Brgy. 2 Zone 1, na marami siyang nakikitang labas masok sa bahay ng biktima kung saan umano’y hinihinalang nagsasagawa ng pot session.

Patuloy namang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad hinggil sa insidente at sa pagkaka­kilanlan sa mga salarin.