By Orlan Linde
Arestado ang isang senior citizen makaraang salakayin ng mga pulis ang binabantayan niyang pabrika at nakasamsam ng iba’t ibang kalibre ng mga baril at bala, sa Valenzuela City kamakalawa nang gabi.
Sa isinumiteng ulat kay Police Colonel David Nicolas Poklay, hepe ng Valenzuela City Police, kinilala ang suspek na si Alberto Ristoc, 74-anyos at caretaker ng Adriatico Wooden Inc. na matatagpuan sa No. No. 242 MacArthur Highway, Brgy. Dalandanan ng nasabing lungsod.
Sinalakay ang naturang pabrika matapos na makatanggap umano ng impormasyon si Police Major Jessie Misal, hepe ng Station Intelligence Branch, na nagtatago ng hindi lisensiyadong mga baril si Ristoc.
Bago ni-raid ang binabantayang pabrika ng suspek ay kumuha ng search warrant si Misal sa sala ni Valenzuela Regional Trial Court Branch 171 Presiding Judge Maria Nena Santos.
Bandang alas-8:45 nang gabi, kasama ang ilang tauhan ng Police Community Precinct 6, pinuntahan ng grupo ni Misal ang lugar ni Ristoc at hinalughog ito.
Nakakuha ang mga pulis ng isang caliber 9mm Taurus na may serial number TRC 80399-4 at limang bala nito, at isang Armscor 12-gauge shotgun na mayroong apat na bala.
Depensa ng suspek, proteksiyon lang niya ang mga armas sakaling pasukin sila ng magnanakaw.
Pero hindi lumusot ang katwirang iyon sa mga pulis at dinala pa rin sa presinto si Ristoc at kinasuhan ng paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.